Friday, January 11, 2013

Saan Mag-Uumpisa

Kilala na ang daang ito
Masikip, madilim parang walang hinto
Tuliro na namang tatahakin, bawat liko
Gayong kung ilang beses nang pinagsarhan ng pinto


Ramdam na ang hagod ng dalamhati
Urong sulong sa pag-hakbang, kung paano at kailan - hindi mawari
Anong lakas ng loob mayroon para kayanin kahit man lang mangalahati
Ngayong hapong hapong sadlak na sa pangungulilang masidhi

Tanaw na ang lungkot at matinding panlulumo
Walang humpay, sagad sa laman tagos sa buto
Lahat at bawat alaala nagsisilbing multo
Ng mga araw na kapiling pa ang galak ng halakhak mo

Ganito pala ang sinasabing parati
Basta ang iyong irog malayang nagbubunyi
Hindi bale nang dumanas ng matinding pighati
Puso ay durog ngunit labi ay nakangiti

Subalit walang pagsisising iaatang sa iyo
Sapagkat walang katumbas na ligayang dama nang ang mundo mo
Ay walang iba kundi ako

Saan man itong lakbayin ay patungo
Paano mag-uumpisang ikaw ay limutin ko
Kaawaan sana ng Maykapal ang dating sinisinta mo
At palayain ang puso kong walang magawa kundi ang sumuko


No comments: