Friday, January 4, 2013

Hanggang Kaya Ko Na


Habang hindi ko pa kaya
Hahanap hanapin kita sa mga ulap at mga kuwentong katha
Pag dilat o pag-pikit nitong mga mata

Habang hindi pa limot iyong mga yakap at kalinga
Sisilip pa rin sa hindi naman tumutunog kong teleponong nag-papaalala
Umaasang baka sakaling itong puso'y masanay at mag-sawa

Hanggang hindi ko pa mabitawan itong ligayang ikaw lang ang may dala
Babalik balikan bawat mumunting alaala

Noong sa piling mo'y bawat oras ay di alintana
Habang guhit pusong alapaap lang ang tanaw kaluluwa ay nagbubunyi, kumakanta

Hanggang hindi makangiti ng wagas sa mga oras na ikaw ang naalala
Susunduin pa rin ng bawat saglit at hindi na sa anong kapalit pa aasa

Hanggang ikaw pa rin ang laman nitong nagsusumamong puso kong hapong hapo na
Magkakasya na sa nakagawiang hihintayin na bumalik ka
Kung kailan man tadhana at ang Maykapal na ang iiwang mag-kusa

Hanggang madinig at tugunin ang dalanging sana ay kaya ko na.
Tanggaping pagtahak sa buhay na maligaya kahit wala ka.

No comments: